Wednesday, May 05, 2010

Pagbubukas ng ‘Kamalayan’


Panimula


Inaamin ko na hindi ganoon kalawak ang pagkabihasa ko sa wikang Tagalog, o sa wikang Pilipino sa pangkalahatan, dahil na rin siguro sa matagal na pagtutok ko sa mga literaturang nakalimbag sa wikang banyaga, at dahil din malamang sa aking kurso sa unibersidad na sa maraming pagkakataon ay hinihingi ang paggamit ng wikang Ingles.

Nguni’t ako’y pinapapayapa ng isiping hindi naman ganoon ka-lala ang kaso ko. Marahil sa pangamba ngang tuluyang malagot ang anumang koneskyon meron ako sa wikang ito ay minarapat kong tumayo sa hamon ng aking dating propesor sa unibersided, si Ginoong Wensley Reyes, na ipalaganap ito sa aming mga mumunting paraan – sa paggamit nito unang-una. Nawa’y hindi ito tingan bilang isang pambatang pagpayag lamang sa kagustuhan ng isang nakakatanda. Bagkus sana maging pangunahing tuntungan ito sa pag-aangat ng dangal ng wikang Pilipino.

Ang Lalamanin ng ‘Kamalayan’

Sa dahilang malayu-layo ang linya ng kursong minarapat kong tapusin sa unibersidad sa paggamit ng wikang Pilipino, hayaan n’yo akong gamiting hayagan ng aking mga mumunting mga tingin, aktibidad, atbp. ang mga pahina birtwal nitong ‘Kamalayan’. Partikular kong tatalakayin, ayon sa kaya ng aking abilidad at kaunting nalalaman, ang literatura ng Pilipinas sa mata ng isang naging mag-aaral ng agham, at ilang mga aspetong sa tingin ko ay mahihirapan akong ihiwalay dito. Ito ay ang musika at sining (partikular ang sining-biswal). Minarapat lang na sabihin ko ngayon pa lang na mas magiging makiling ito sa mga bagay tungkol sa literatura, musika, at sining ng mga Pilipino, bago man o sinauna.

Muli, wala akong pinanghahawakang akademikong titulo para maging otoridad itong mga pahina rito. Sumagot ako sa hamon ng isang guro, at akin na lamang titingnan kung saan ito patutungo. Pinakamahalaga sa ngayon, sa aking tingin, na naging maluwag sa akin na buksan ang aking Kamalayan tungkol sa ilang aspeto ng aking pamayanang ginagalawan.

No comments:

Post a Comment