Thursday, December 02, 2010

Paglulunsad: Monster Paper Issue 2

Narito ang anunsyo ng isang aktibidad bukas ng gabi. Kasama rito ang paglulunsad ng ikalawang isyu ng Monster Paper Press. Nakakatuwang mapasama ang isa sa mga tulang aking ipinasa para sa publikasyong ito.

poster created by Adam David

Paper Monster Press launches its 2nd issue at the Better Living Through Xeroxography Exhibit on December 3, 2010 at Cubao/ Kalantiaw/ Ilyongs.

ENGLISH POEMS

1) We sing the wind’s caress on our skin - Adam David
2) Finger - Ayn Frances dela Cruz
3) Madonna - Azlison Bawang
4) Afraid of Space - Ruth Mostrales
5) Service - Francis Emralino
6) New Age Nomad - Jeanilyn Kwan

FILIPINO POEMS

1) Haraam - Jack Alvarez
2) Kalatog-tyan - Michael Alegre
3) Unexposed Film - Daniw Santiago
4) Ang Nocturne ni Vincent van Gogh - J. Luna
5) Dayo - Ronald Verzo
6) Pating - Enrique Villasis

ART

1) James Javier
2) Paul Panganiban
3) Aldo Bongala
4) Yasunari Ramon Taguchi
5) Angely Chi

*Issue 2 edited by Enrique Villasis (Filipino), Jeanilyn Kwan (English), Ros Veluz (zine design and lay-out).

Join us in the very small small press expo. December 3, 2010, Cubao/ Kalantiaw/ Ilyongs. First 100 bottles of beer for free!

Tuesday, November 23, 2010

Sa Gunita (para sa pag-alaala sa mga naging biktima ng Maguindanao Masaker)


Hindi kayang tuyuin ng isang taon
Ang mga dugong sa lupa’y tumapon,
Nang sa isang iglap, noong ika-23 ng Nobyembre
Inihatid ng mga bala sa kabilang buhay
Ang hininga at mga pangarap
ng mga biktima ng Maguindanao
Masaker.

Hindi kayang ikubli ng labindalawang buwan
ang alingawngaw ng pighati at pangungulila
nitong mga kaanak, mga mahal sa buhay
ng mga naging bikitma ng Maguindanao
Masaker.

Pagkat sa gunita ng baya'y
umukit ang mapagmalaking
paglalantad ng mga naghahari-harian
sa Maguindanao -
sa gatilyo at pulbura
ginawang laruan
ang mga buhay na
'di nila nilikha at
'di nila pag-aari.
Sila'y mga diyos-diyosang may
kapit (noon) sa tanyag na Palacio.

Mulat pa rin ngayon
ang diwang tinulungan nilang mag-apoy,
nang tinangka nilang ikubli ang mga katawang nilisan ng buhay
ng backhoe at lupa.

Markado na rin ang pagbalik ng mga salarin sa lupa, ang kanilang
huling hantungan
Samo lamang sa piringang Hustisya -
gawing kasingtindi (kung 'di man higit pa) ang hatol sa
mga nag-astang berdugo ng Maguindanao.

At gawing buháy ang parusa sa kanila
at maging monumento ng pag-alaala
na sa likod ng maskara ng pamamahala
ay may mga patuloy pa ring nagkukubli,
gumagawa ng kanilang munting mga kaharian.

Marami pa nga ang dapat hugasan
sa ating putikang pulitika
Ngunit sa pagtiwala at pagpursige sa Hustiya,
may mga paunang hakbang tayong matatahak;

Sa gunita
mananatili ang alaala ng trahedya;
Sa puso
mananatili ang pag-asa para sa hustisya.

* isang munting tula para sa pag-alaala sa mga naging biktima ng Maguindanao Masaker

© Francis Murillo Emralino
Nobyembre 23, 2010 | Laguna

Sunday, October 10, 2010

Manila International Literary Festival


Sa darating na Nobyembre 18-20, 2010 ay idaraos ang Manila International Literary Festival na gaganapin sa Intercontinental Manila, Lunsod ng Makati. Para sa listahan ng mga aktibidad at iba pa, pumunta lamang sa sayt ng National Boook Development Board sa nbdb.gov.ph.

Sunday, September 05, 2010

Pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino

Isang pagtanggi ang aking gagawin kung hindi ko ipapahayag ang pagkagulat ko sa pagpanaw ni Sir Alexander Martin Remollino. Parang noong isang araw lang nang pinadalhan ako ng mensahe ni Rustom ukol sa gabi ng tula at musika para sa kanya. Noon ding gabing ‘yun siya nawala.

Una at huli ko siyang nakita sa paglulunsad ng antolohiyang ’Ipuipo sa Piging’ mga ilang linggo lang ang nakaraan. Nagtaka pa nga ako dahil namukhaan ko siya pero sobrang napayatan ako sa kanya, bagay na inilahad ko rin sa aking kasama. Ang pagdududa pa ngang iyon ang humadlang para makakuha man lang ng kanyang pirma sa libro. ’Di na rin malinaw sa akin kung nakabigkas siya sa una o hindi noong gabing ’yun; dala na rin ng ilang araw na puyat at pagod. Sana nagawa ko man lang na magpakilala kahit papano. Noon kasing gabing iyon nagkaroon ng mgas mukha ang mga pangalang nababasa ko lamang sa mga lathalain ng Kilometer 64. May ilang bagay akong di nagawang gawin noong araw na ’yun, at isa na nga ang magpakilala sa kanya.

Gayunpaman, hindi ito isang pag-alaala lamang sa simpleng hindi nakuhang autograph o naunsyaming pakilanlanan sana. Higit sa mga ito ang pagbubukas ng kamalayang maraming taong dumadaan sa mundong ito at nasasa-tao na mismo kung bibigyang katuturan nila ito o hindi. Si Sir Martin, idinaan sa panulat, sa tinta, sa papel, sa keyboard. Hindi man nagkakilala, tamang maging tuntungan ko ang kanyang mga naiwang akda (at alaala para sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan) at para na rin sa mga pausbong at uusbong pa lamang na mga manunulat-makatang tulad din niya.

Hindi naman sayang ang buhay na iyon. Wala sa haba o ikli ang buhay. Nasa kung papano natin ito ginamit at itinuon sa makabuluhang bagay.

BIGKAS
(munting alay sa pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino)

Buháy pa ang ningning
Sa matang lama’y giting
Nang mabuksan, magisnan
Sa wakas, ang bidyo ng Ipuipo sa Piging.

Kalma, buo ang mga bigkas
Ng mga taludtod na sana’y lumabas
Nang personal, harapan
Nang gabing ika’y
Una’t huling nakita.

Nang sa huli’y kinalabit at tinipa
Ang kwerdas ng buhay at hininga,
Niningas ang mga akda —
Magbibigay pataba
Sa bagong linya
Ng mga buháy na tinta at tula.

[Setiembre a-cuatro | Alas nueve treinta y ocho ng gabi]

Friday, August 27, 2010

Hangover sa Ipuipo sa Piging


Bagaman hindi ko nakuhang mahawakan ang mikropono sa gabi ng paglulunsad ng antolohiyang ‘Ipuipo sa Piging’ ay baon ko naman pag-uwi, kasama ang ulan at baha ng Anonas, ang bagong kamalayan sa pagbibigay buhay sa tula.

Isang matalim na panggising at paalaala ang sanaysay na nasa huling bahagi ng aklat (“Patay na Ang Awtor” ni Reuel Molina Aguila, pp. 313-327), na tumalakay sa buhay at konsepto ng isang pagiging manunulat. Tama ito para kahit isang saglit sa isang araw ay magkaroon ng repleksyon ang isang indibidwal sa tinatahak nyang landas ng pagiging manunulat at ang kabuluhan nito, hindi lamang sa para sa kanya kundi sa lipunang kanyang ginagalawan.

Hayaan n’yo na lamang akong ibahagi ang isang pyesang ginawa ko na napasama sa IsP. Higit sa pagkakalimbag ng mga ito, alam ko sa sarili kong may bangong tunguhin na, layon kumabaga, ang paggawa ko ng mga tula.

SONORIO
Francis Murillo Emralino

Hinabol ko ‘tong mga panggabing ilaw at
Ginuhit ko ang mga disenyong sa isip ko’y umalingawngaw;
Ang kaguluhang galaw, tulong – isang kapahingahan
Kanilang kawalang halaga – isang kapanatagan.

Sa ngayon mga tenga ko’y sarado
Sa mga polusyong ingay sa labas ng aming kwarto;
Hagikgikan at hangi’y dala ang kasayahan
Kahit may ganito, sa kalooba’y isang labanan.

Oo, may bukod-tanging pagkatalo
Sa gitna ng mga pagsasaya sa Pebrero;
Isang siglong galak, isang araw ng saya
Walang pakialamanan sa lupang kinatitirikan
Kung saan buhay ay nakikiraan, nakikibaka
Sa mga nalulumang pag-iisip, konseptong ‘di mahagilap.

Maging malaya nawa sa mga pangakuan!
Sa mga gawain, sa salita maging kasing laya,
Nitong pangalan kong kalayaan ang dinidikta.

Halika, halika, sapuhin mo itong buo
Pikpik na mga bagay, mga kaisipan.
Ngayong gabi ng Pebrero Lalaya ka, ‘di na magtatago.

Pebrero 2008

© Francis Emralino, ‘Sintesismo’ sa Ipuipo sa Piging, 2010, pp.92-93.

* Retrato: kuha ni Pia Montalban

Wednesday, August 25, 2010

Karanasan sa Nanalasang Ipu-Ipo sa Piging (Ang Book Launch)


Ibang karanasan ang aking dala-dala sa pagtatapos ng paglulunsad ng librong ‘Ipuipo sa Piging’. Kasama ang iba pang mga nag-ambag ng tula sa antolohiya, ang okasyon ay naging daan para lumawak rin ang aking pagkakakilala sa mga makatang dumating at nagpasimuno nito. Nakakatutuwa ring makita nang personal, makausap at makilala ang mga makata at manunulat na sa babasahin o internet ko lang dati nakikita ang mga pangalan at mga akda.

Hindi roon ang unang pagkakataon na makasumpong ako ng poetry reading nguni’t iba ang pakiramdam na makita na ibinubuhos ng makata ang emosyon at laman ng tula sa pagbigkas nila sa kanilang mga gawa. Hindi ko nagawang pumunta sa una at bumigkas; malamang sa mga susunod na lamang na pagkakataon.

Ikinagagalak kong makilala nang personal sina Rustom Casia, Dennis Espada (na isa rinng taga-Laguna), at Kislap Alitaptap na mga kasamahan sa KM 64; si Ed Nelson Labao; si Gelacio Guillermo na minsan din palang nagturo sa U.P. Los Baños.

Karamihan sa mga tulang binigkas ay nakakatuwa at nakapagpasidhi ng kamalayan at damdamin. Nguni’t sa kabila ng kalaliman ng gabi (at kinailangan pa naming bumiyahe pabalik ng probinsya), kalasingan ng mga tao sa paligid, at literal na pagbuhos ng tubig-ulan mula sa bubong ng 70s Bistro ay pumukaw pa rin ng aking atensyon ang mga tulang binigkas ni Rogelio ‘Ka Roger’ Ordoñez, kung saan ang huli ay pumatungkol sa paghihiwalay. Limot ko na ang ilang laman ng tula kaya’t balak kong konsultahin si Ka Roger para sa kopya ng mga ito.

Sa katapusan, nagpapasalamat ako kay kuya Abet Umil sa pagsama ng mga ambag ko sa antolohiya at kay Sir Fermin Salvador sa inisyatibong ito. Gayundin kay Randy Valiente na isang artistang biswal na nakisalanta sa piging.

Hindi rin buo ang okasyon kung wala ang dedikasyon ni Bise, ang aking bagong katuwang, sa aking mga ginagawa. Hayaan mo’t babawi rin ako sa ‘yo pagkatapos ng mga nakakapagod na mga lakaran at pagsuong sa baha at ulan sa Kamaynilaan.

* retrato: kuha ni Ruby Bernardo

Tuesday, July 27, 2010

Bunsod Aklat: Ipuipo sa Piging


Heto na nga at darating na ang ‘Ipuipo sa Piging’, isang kalipunan ng mga tula ng “dalawa hanggang tatlong henerasyon ng mga makata sa bansa” (Fermin Salvador).

Personal akong natutuwa na makasama ang mga masasabi kong mga bigatin at mga may pangalan nang mga makata rito sa Pilipinas. Sa kadahilanang hindi naman ito isang paligsahan ay masaya na rin ako sa mga isinumite kong ambag. Pero kung napagtanto ko kaagad ang lawak at layo ng tunguhin ng antolohiyang ito ay mas inayos ko pa sana ang mga inambag ko. Gayunpaman, ang makasama rito ay isang karangalan na.

Nagsimula lang ang pagtangka kong magsulat ng mga tula mga labing-isang taon na ang nakakalipas; mga tulang kinailangan lang dati para sa mga aralin sa klase. Dumating ang panahon na ginamit ko ang tula para ‘iguhit’ ang ilang mga damdamin at mga pangyayaring hindi ko nakuhang ilahad, o bigyang pag-alala, nang deretsahan.

At nitong kamakailan ko lang nasumpungan ang isang grupo ng mga manunulat at makata na may patuloy na apoy sa kani-kanilang mga puso at panulat. Dati nang may alam, nguni’t noon ko lamang buong naisaloob na ang tula ay isang mabigat na sandata upang ilahad, hindi lamang ang mga pampersonal na mga kuru-kuro at/o damdamin, nguni’t para rin gamiting gabay sa atin para sa mas malinaw na pagtingin sa mga pangyayaring panlipunan sa paligid.

Sa aking tingin ay mas nabibigyang kahulugan ng tunguhing ito ang pagsulat ng tula. Alam kong malayu-layo pa ang lalakbayin ko upang malinang ang pagsulat ng tula – sa aspetong teknikal nito at sa matinong pagpili ng mga temang pagtutuunan ng pansin. Alam kong sa paglabas nitong ‘Ipuipo sa Piging’ o IsP ay nabigyan na ako ng hudyat upang hindi lamang itali ang sarili sa mga kumbensyon ng kasalukuyang panahon. Naniniwala akong makapangyarihan ang daloy ng diwa na nailapat sa tula. Ngayon ay oras nang ipahatid ang kamalayang ito sa mga mambabasa, at sa lahat ng mga Pilipino.

Sa ilang munting ambag ko ay iniaalay ko ang kinalabasang ito sa isang bata – si Dace – na personal kong hiling na maagang mamulat sa mga panlipunang kaganayan at sitwasyon at maagang magkaroon at makabuo ng kanyang sariling tugon, sa kung anumang porma o paraan, para sa mga ito. Handa akong tulungan siya bilang isang gabay.

Ang ‘Ipuipo sa Piging’ ay ilalabas na sa Agosto 23, 2010, sa 70s Bistro sa Project 2, Kalye Anonas, Quezon City, sa ganap na alas-sais hanggang alas-nuebe ng gabi. Maaaring kontakin ang numerong ito para sa mga tanong kaugnay sa paglulunsad na ito sa telepono bilang 632-434-3597. Ipapalabas din ang bidyula o videoetry at music video ng ilan sa mga kontribyutor. Sana ay makadalo rin ako.

Sunday, June 20, 2010

Heto na ang ‘Ipuipo sa Piging’

Ito na nga at nasabi nang nasa huling mga bahagi na ng gawain ang kalipunan ng mga tula. Nasabi na rin noong mga naunang buwan na sa Hunyo ang labas nito. Nguni’t tingnan natin ang pinal na mga anunsyo. Malapit sa akin ang kwento ng paglipon sa mga tula na kasama sa ‘Ipu-ipo sa Piging’ dahil nagtangka rin akong magpasa ng ilang ambag na tula. Pero hindi malinaw kung napasama ang kahit isa sa kanila. Gayunpaman ay masaya ako na sa haba ng tinakbong kwento ng pagbuo nito (nakikita ang iba’t-ibang mga paksa at salaysay dito kung hahanapin sa internet) ay maisasakatuparan na rin ito. Heto na ang Ipuipo sa Piging!

* larawan ay kuha sa blog ni Randy Valeinte sa Usapang Komiks

Saturday, June 12, 2010

Mapagpalayang Araw ng Kalayaan

Isa sa mga nakakatuwang araw ay ang Araw ng Kalayaan. Dahil bukod sa mga kaliwa’t kanang mga flag raising at mga seremonya ay muling napapakatok sa isipan ng mga Pilipino na Pilipino tayo at may bansa, kasaysayan at kalayaang dapat alalahanin at dapat ipagdiwang. At least, hindi lamang tuwing laban ni Pacquiao tayo napapagbuklod bilang isang bansa. Mas mahalaga na mabuklod ang isipan at damdamin nating mga Pilipino ngayong Araw ng Kalayaan.

Umabot na nga tayo sa ika-isaang daan at labindalawang taon ng pagdiriwang. Isang napakahalagnang araw na hindi natinag ng mga nagsidatingang mga mananakop pagkatapos ng mga Kastila, ng pagkakasangkot sa bangungot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng isang mahaba-habang panahon ng diktaturya. Isang pambansang bayani, marami-raming mga bayani ng rebolusyon at digmaan, at isang kasakuluyang henerasyon na tumitingala sa isang magandang bukas sa tulong ng bagong administrasyon. Ilan lamang sa mga sangkap ng bansang Pilipinas at ng ating patuloy na pagdiriwang ng araw ng kalayaan.

Maraming pagkakataon nang naging paksa ang tanong tanong na “Malaya ba talaga tayo ngayon?” Marahil maganda talagang itanong ito sa bawa’t araw, lalu na sa personal na lebel. Pero mas makabubuting ituon natin ang ating mga sarili sa kung ano ang esensya, ang pinaka-laman, ang pinaka-karne ng pagdiriwang ng Junio a-doce. Iyon ay ang paglaya ng bansa, na kalaunan ay nasumpungan ng mga Pilipino nang sila’y naghimagsik laban sa mga mananakop, sa isang mahabang panahon ng pakakailalim sa impluwensya at pamumuno ng mga dayuhan. Napakaraming pagkakataon sa kasaysayan na tinangka itong burahin (at palitan ng petsa), nguni’t nanatili. Marapat lamang na ipagdiwang ito dahil naging hudyat ito na noong mga panahon na iyon, nakilala ng mga Pilipino ang pagka-Pilipino nila – na Pilipino sila – at sila ay may bansang dapat linangin, protektahan, mahalin, at ipagmalaki. Parang isang istroya ng pag-ibig na hindi dapat matuldukan.

Sa kasalukuyan ay napaglaanan ng pamahalaan ng humigit kumulang sampung milyong piso ang pagdiriwang sa araw na ito. Hindi ko masabing labis o tama lang ito, sapagka’t ang pagdiriwang ng kasarinlan ay isang bagay na tila personal na mahirap presyuhan. Pero hiling ko lang (kahit sa susunod na pamahalaan na lang dahil halos tapos na ang termino ng pangulo) na kung pano natin kasiglang laanan ng pondo ang isang araw na pagdiriwang, sana mapaglaanan din natin ang maraming aspeto na tumutungkol sa kasaysayan natin. Ihalimbawa na lang ang pagsalba ng mga makasaysayang mga istruktura o lugar. Nabasa ko ng minsan ang planong paglipat ng lumang bahay (o paggiba rito dati) na may kaugnayan kay Rizal sa Biñan. Sana kahit may nakaumang na malaking hamon na sawatain ang kurapsyon sa gobyerno, mapaglaan pa rin ng sabstansyal na atensyon at pondo ang mga ahensyang pumapatungkol sa kasaysyan. At sana mapansin din ang mga boses ng mga pribadong indibidwal na kadalasang tumatawag ng pansin para sa mga pangangailangang may kaugnayan sa kasaysayan.

Sa panghuli, sana makatulong ang mga malakihang mga pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan natin para maibukas na ang isip ng mga bata ng Pilipino sa murang edad. Ito’y upang sa simula pa lang ay maitanim na sa kanilang kaisipan ang kahalagaan ng pagkakaroon ng pag-unawa sa ating kasaysayan at sa Araw ng Kalayaan na isa sa mga malaking aspeto nito.

Mabuhay ang Pilipinas!

* artikulong matatagpuan sa aking mga blog na Viole(n)t Mugs, Back Trails, at Kamalayan

Tuesday, May 25, 2010

Mesias de-Pisi: Tulang Ambag sa Duguang Lupa


Kung hindi man pumasa sa mga panuntunang nagbibigay porma (o halaga) sa (‘tradisyunal’ o ‘akademikong’) tula, marapat na tingnan na lamang itong ambag kong tula sa ‘Duguang Lupa’ Chapbook ng Kilometer 64, bilang isang sinserong pagbibigay tuon sa lagim na ibinunga ng tinaguriang Maguindanao Massacre op Ampatuan Massacre.

MESIAS DE-PISI
Francis Murillo Emralino (Ang M.V.)

(salin ng naunang tulang pinamagatang “Marionette Messiahs” ukol sa masaker na nangyari sa Maguindanao, Diciembre a-trece, dos mil nueve)

Heto! Parating na ang parada ng mga dragon
Paseryo-seryoso, sa harap ng kamera akala mo totoo;
Pabala-balabal, mala-diplomatikong mga tono,
Pero walang makamundong taguan ang mangyayari
Sa kasaysayan (sa krimen) na inyong sinulat (na inyong ipininta).

Para lang manatili ang palabas doon sa timog
Ng kapangyarihan gamit ang armadong mananayaw –––
Politico-mananayaw;
Mga dragon sa timog sa daan ay nagpahanga
Ginamit ang isang convoy na may sariling pangitain, sariling nasa;
Pagpalag ay sinuspinde ng dulo ng baril, nanakmal gamit kanilang mga pangil
Upang ang laban gawing malaya sa katunggali,
Walang totoong botong magpapakagiting.

Sa isang araw lamang –––
Mga bala, ganid, pita ng laman ang umangkin:
Sa hininga ng limampu at higit! palamuti sa dagliang libingan
Sa maburol na lugar doon itinago, disenyo ng mga sundalo ng Hades
Mga binayaran para isantabi ang takot, magbulag-bulagan
Sa pagkukubli, pagkakalat ng mga tulalang mga mukha;
Ang landas nitong sana’y mga umaasa sa magandang eleksyon,
Lunod na sa manuyo-nuyong dugo at nagamit na basyo;
Ngunit –
Kelan pa nagawang patagalin ng mga dragon,
Ang kathang-isip ng kanilang galing?

Ngayon,
Parada nitong mga mananakmal ay papunta nang altar,
Pinaganda ng mga binasbasang mga rehas:
Ng bakal; malamig; walang para sa diyos
Inilawan, gawa sa mga bloke ng semento – ang kulungan,
Naghihintay ng litis: gaano katagal? walang nakakaalam;
‘Pagkat kanila ang (katimugang) kaharian, ang Masaker ginawang laro
At ang mga kaibigan sa Partido baka ibaluktot, ang hustiyang dapat idulot.

Balita’y dapat ipakalat, nitong (buhol-buhol) na mga koneksyon
Ng pulitika, kapangyarihan at (pagmanipula) sa eleksyon;
Sa kanilang mumunting (at tila sariling) mundo kumukubli
Mga nabusalang kwento ng mga krimen ng mga ganid,
Pribadong hukbo para sa proteksyon at pagpuksa sa kaaway?
Mala-palasyong mga bahay para sa tao, pangalawa sa pinakamahirap sa pulo?
Ang kanilang paghahari-harian ay guguho
Sa harap ng kasinungalingan at kanilang mga krimen-dibuho!
Dahil dito, (katimugang) kagahamanan ay nagpapatuloy –––
Ang Masaker ngayon ang siya nang huling abuloy.

Dahil paano ipagpapatuloy nitong mga napatay ang pagpanalo sa hustisya?
Kung mula sa kanilang himlayang ginawa ng backhoe
Tanging tangis ang tumatagas sa hangin?
Tayo!
Ang humihinga, ang magiging bantay ng mga testimonya,
Dahil itong mga kaaway may kakayahang nakawin ito,
At wasakin, ibaluktot ang istorya.
Ang kathang-isip, ang dinastiya, ang mekanismo ng Clan,
Ngayo’y may lamat na dahil sa kanilang malakihang pagpatay.
Ito ang Kapalaran, ika nga
Pero sa kalahatan, ang pagsasara ng palabas –––
Sa simula pa’y isang huwad, laro ng mga de-pising mga karakter.

Sa mga naiwan nabibilang ang huling palakpak
(Kung hindi man ang hindi na pag-ulit sa palabas, nitong mga armadong mga mandaraya.)

Itong mga laruang papet sa pulitika’y
Lahat mula sa laro ng mga pising kumakampay,
Pareho, para sa Palasyo
At sa mga taga mala-palasyong tahanan sa timog
Ang mga pising ito’y kanya-kanya nang pagbubuhol-buhol...
Dating gamit upang ipabatid
Ang kanilang pagkakaroon ng basbas – marka umano ng mga tagapagligtas;
Ngayon huli na sila sa bitag-hustiya,
Itong mga dragon, mga insekto lang pala.

Ang paggiba ay nagpapatuloy
Dito sa mga de-pising mga diyos-diyosan,
Putul-putulin at sunugin, kahit hindi na ilibing;
Hayag sa mundo:
Ipabatid sa impyerno na isinusuka ng lupa ang laman ng mga huwad na diyos;
Ang mga papet hindi makakapang-ibabaw
Sa mamayang binigyang kalayaan sa ilalim ng araw.

* Duguang Lupa Chapbook, Kilometer 64 (Km 64) Poetry Collective, 2010.

Duguang Lupa Chapbook

Isa muling proyekto mula sa Kilometer 64 (KM 64) Poetry Collective. Isang chapbook na naglalaman ng mga likhang pampanitikan patungkol sa isang pangyayaring tumatak na sa atin – ang tinaguriang Maguindanao Massacre o Ampatuan Massacre. Tugma lamang ang pamagat nitong kalipunan ng mga tula at iba pang likha upang bigyang larawan ang isyung ito.

Isinaayos ang chapbook ni Jordan Santos, ito ay binubuo ng mga ambag nina: Arbeen Acuna, John Marc Acut, Maryjane Alejo, Kislap Alitaptap, Louise Vincent Amante, Angelo Ancheta, Mark Angeles, Maria Baleriz, Noel Sales Barcelona, Trevor Batten, Diana Cabote, Jef Carnay, Rustum Casia, Maureen Gaddi dela Cruz, Kiri Lluch Dalena, Francis Emralino, Dennis Espada, Danny Fabella, Rom Factolerin, Richard Gappi, Jonathan Vergara Geronimo, John Carlo Gloria, Lolito Go, Roge Gonzales, Severino Hermoso, Sinta Isaac, Pia Montalban, Francisco Arias Montesena, Patrick Orquia, Ayesha Osop, Wilmor Pacay III, Jujj Padin, Piping Walangkamay, M.J.Rafal, Alexander Martin Remollino, Aris Remollino, Ayesha Sarapuddin, Rey Tamayo Jr., Amos Tarana, Abet Umil, at Cindy Velasquez.

Makakakuha ng libreng kopya ng chapbook sa mga sumusunod na sayt:
mediafire.com/?bzmznzilmuy
rapidshare.com/files/380749105/duguang_lupa.pdf

Saturday, May 08, 2010

Tula

Ito’y kuha mula sa isang proyekto namin noong nasa mataas na paaralan pa ako, mga sampung taon na ang nakakaraan. Itinago ko talaga ang mga ito, kasama ang ilan sa mga simpleng tulang hiningi ng ming guro sa Filipino bilang proyekto sa pagdiriwang ng Araw ng Pagkakatatag ng aming paaralan.

Malamang ay nakuha lamang ito ng aming grupo sa isang aklat, subali’t hindi ko na nakuhang isulat pa ang pinagmulang aklat nito. Nais ko lamang ibahagi ito rito sa mga pahina ng ‘Kamayalan’.

“Ang tula ay isang likha. Ang makatang sumulat ay manlilikha. Ang sinumang bibigkas ng kathang-sining na ito ay makata sapagka’t lumilikha rin siya sa pamamagitan ng wastong pagbigkas ng mga salita, wastong pagsasama-sama ng masining na kumpas ng kamay, kiling ng ulo, galaw ng katawan at paggamit ng himig ng tinig na katugma ng damdamin.”

Wednesday, May 05, 2010

Pagbubukas ng ‘Kamalayan’


Panimula


Inaamin ko na hindi ganoon kalawak ang pagkabihasa ko sa wikang Tagalog, o sa wikang Pilipino sa pangkalahatan, dahil na rin siguro sa matagal na pagtutok ko sa mga literaturang nakalimbag sa wikang banyaga, at dahil din malamang sa aking kurso sa unibersidad na sa maraming pagkakataon ay hinihingi ang paggamit ng wikang Ingles.

Nguni’t ako’y pinapapayapa ng isiping hindi naman ganoon ka-lala ang kaso ko. Marahil sa pangamba ngang tuluyang malagot ang anumang koneskyon meron ako sa wikang ito ay minarapat kong tumayo sa hamon ng aking dating propesor sa unibersided, si Ginoong Wensley Reyes, na ipalaganap ito sa aming mga mumunting paraan – sa paggamit nito unang-una. Nawa’y hindi ito tingan bilang isang pambatang pagpayag lamang sa kagustuhan ng isang nakakatanda. Bagkus sana maging pangunahing tuntungan ito sa pag-aangat ng dangal ng wikang Pilipino.

Ang Lalamanin ng ‘Kamalayan’

Sa dahilang malayu-layo ang linya ng kursong minarapat kong tapusin sa unibersidad sa paggamit ng wikang Pilipino, hayaan n’yo akong gamiting hayagan ng aking mga mumunting mga tingin, aktibidad, atbp. ang mga pahina birtwal nitong ‘Kamalayan’. Partikular kong tatalakayin, ayon sa kaya ng aking abilidad at kaunting nalalaman, ang literatura ng Pilipinas sa mata ng isang naging mag-aaral ng agham, at ilang mga aspetong sa tingin ko ay mahihirapan akong ihiwalay dito. Ito ay ang musika at sining (partikular ang sining-biswal). Minarapat lang na sabihin ko ngayon pa lang na mas magiging makiling ito sa mga bagay tungkol sa literatura, musika, at sining ng mga Pilipino, bago man o sinauna.

Muli, wala akong pinanghahawakang akademikong titulo para maging otoridad itong mga pahina rito. Sumagot ako sa hamon ng isang guro, at akin na lamang titingnan kung saan ito patutungo. Pinakamahalaga sa ngayon, sa aking tingin, na naging maluwag sa akin na buksan ang aking Kamalayan tungkol sa ilang aspeto ng aking pamayanang ginagalawan.