Sunday, September 05, 2010

Pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino

Isang pagtanggi ang aking gagawin kung hindi ko ipapahayag ang pagkagulat ko sa pagpanaw ni Sir Alexander Martin Remollino. Parang noong isang araw lang nang pinadalhan ako ng mensahe ni Rustom ukol sa gabi ng tula at musika para sa kanya. Noon ding gabing ‘yun siya nawala.

Una at huli ko siyang nakita sa paglulunsad ng antolohiyang ’Ipuipo sa Piging’ mga ilang linggo lang ang nakaraan. Nagtaka pa nga ako dahil namukhaan ko siya pero sobrang napayatan ako sa kanya, bagay na inilahad ko rin sa aking kasama. Ang pagdududa pa ngang iyon ang humadlang para makakuha man lang ng kanyang pirma sa libro. ’Di na rin malinaw sa akin kung nakabigkas siya sa una o hindi noong gabing ’yun; dala na rin ng ilang araw na puyat at pagod. Sana nagawa ko man lang na magpakilala kahit papano. Noon kasing gabing iyon nagkaroon ng mgas mukha ang mga pangalang nababasa ko lamang sa mga lathalain ng Kilometer 64. May ilang bagay akong di nagawang gawin noong araw na ’yun, at isa na nga ang magpakilala sa kanya.

Gayunpaman, hindi ito isang pag-alaala lamang sa simpleng hindi nakuhang autograph o naunsyaming pakilanlanan sana. Higit sa mga ito ang pagbubukas ng kamalayang maraming taong dumadaan sa mundong ito at nasasa-tao na mismo kung bibigyang katuturan nila ito o hindi. Si Sir Martin, idinaan sa panulat, sa tinta, sa papel, sa keyboard. Hindi man nagkakilala, tamang maging tuntungan ko ang kanyang mga naiwang akda (at alaala para sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan) at para na rin sa mga pausbong at uusbong pa lamang na mga manunulat-makatang tulad din niya.

Hindi naman sayang ang buhay na iyon. Wala sa haba o ikli ang buhay. Nasa kung papano natin ito ginamit at itinuon sa makabuluhang bagay.

BIGKAS
(munting alay sa pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino)

Buháy pa ang ningning
Sa matang lama’y giting
Nang mabuksan, magisnan
Sa wakas, ang bidyo ng Ipuipo sa Piging.

Kalma, buo ang mga bigkas
Ng mga taludtod na sana’y lumabas
Nang personal, harapan
Nang gabing ika’y
Una’t huling nakita.

Nang sa huli’y kinalabit at tinipa
Ang kwerdas ng buhay at hininga,
Niningas ang mga akda —
Magbibigay pataba
Sa bagong linya
Ng mga buháy na tinta at tula.

[Setiembre a-cuatro | Alas nueve treinta y ocho ng gabi]