Friday, August 27, 2010

Hangover sa Ipuipo sa Piging


Bagaman hindi ko nakuhang mahawakan ang mikropono sa gabi ng paglulunsad ng antolohiyang ‘Ipuipo sa Piging’ ay baon ko naman pag-uwi, kasama ang ulan at baha ng Anonas, ang bagong kamalayan sa pagbibigay buhay sa tula.

Isang matalim na panggising at paalaala ang sanaysay na nasa huling bahagi ng aklat (“Patay na Ang Awtor” ni Reuel Molina Aguila, pp. 313-327), na tumalakay sa buhay at konsepto ng isang pagiging manunulat. Tama ito para kahit isang saglit sa isang araw ay magkaroon ng repleksyon ang isang indibidwal sa tinatahak nyang landas ng pagiging manunulat at ang kabuluhan nito, hindi lamang sa para sa kanya kundi sa lipunang kanyang ginagalawan.

Hayaan n’yo na lamang akong ibahagi ang isang pyesang ginawa ko na napasama sa IsP. Higit sa pagkakalimbag ng mga ito, alam ko sa sarili kong may bangong tunguhin na, layon kumabaga, ang paggawa ko ng mga tula.

SONORIO
Francis Murillo Emralino

Hinabol ko ‘tong mga panggabing ilaw at
Ginuhit ko ang mga disenyong sa isip ko’y umalingawngaw;
Ang kaguluhang galaw, tulong – isang kapahingahan
Kanilang kawalang halaga – isang kapanatagan.

Sa ngayon mga tenga ko’y sarado
Sa mga polusyong ingay sa labas ng aming kwarto;
Hagikgikan at hangi’y dala ang kasayahan
Kahit may ganito, sa kalooba’y isang labanan.

Oo, may bukod-tanging pagkatalo
Sa gitna ng mga pagsasaya sa Pebrero;
Isang siglong galak, isang araw ng saya
Walang pakialamanan sa lupang kinatitirikan
Kung saan buhay ay nakikiraan, nakikibaka
Sa mga nalulumang pag-iisip, konseptong ‘di mahagilap.

Maging malaya nawa sa mga pangakuan!
Sa mga gawain, sa salita maging kasing laya,
Nitong pangalan kong kalayaan ang dinidikta.

Halika, halika, sapuhin mo itong buo
Pikpik na mga bagay, mga kaisipan.
Ngayong gabi ng Pebrero Lalaya ka, ‘di na magtatago.

Pebrero 2008

© Francis Emralino, ‘Sintesismo’ sa Ipuipo sa Piging, 2010, pp.92-93.

* Retrato: kuha ni Pia Montalban

Wednesday, August 25, 2010

Karanasan sa Nanalasang Ipu-Ipo sa Piging (Ang Book Launch)


Ibang karanasan ang aking dala-dala sa pagtatapos ng paglulunsad ng librong ‘Ipuipo sa Piging’. Kasama ang iba pang mga nag-ambag ng tula sa antolohiya, ang okasyon ay naging daan para lumawak rin ang aking pagkakakilala sa mga makatang dumating at nagpasimuno nito. Nakakatutuwa ring makita nang personal, makausap at makilala ang mga makata at manunulat na sa babasahin o internet ko lang dati nakikita ang mga pangalan at mga akda.

Hindi roon ang unang pagkakataon na makasumpong ako ng poetry reading nguni’t iba ang pakiramdam na makita na ibinubuhos ng makata ang emosyon at laman ng tula sa pagbigkas nila sa kanilang mga gawa. Hindi ko nagawang pumunta sa una at bumigkas; malamang sa mga susunod na lamang na pagkakataon.

Ikinagagalak kong makilala nang personal sina Rustom Casia, Dennis Espada (na isa rinng taga-Laguna), at Kislap Alitaptap na mga kasamahan sa KM 64; si Ed Nelson Labao; si Gelacio Guillermo na minsan din palang nagturo sa U.P. Los Baños.

Karamihan sa mga tulang binigkas ay nakakatuwa at nakapagpasidhi ng kamalayan at damdamin. Nguni’t sa kabila ng kalaliman ng gabi (at kinailangan pa naming bumiyahe pabalik ng probinsya), kalasingan ng mga tao sa paligid, at literal na pagbuhos ng tubig-ulan mula sa bubong ng 70s Bistro ay pumukaw pa rin ng aking atensyon ang mga tulang binigkas ni Rogelio ‘Ka Roger’ Ordoñez, kung saan ang huli ay pumatungkol sa paghihiwalay. Limot ko na ang ilang laman ng tula kaya’t balak kong konsultahin si Ka Roger para sa kopya ng mga ito.

Sa katapusan, nagpapasalamat ako kay kuya Abet Umil sa pagsama ng mga ambag ko sa antolohiya at kay Sir Fermin Salvador sa inisyatibong ito. Gayundin kay Randy Valiente na isang artistang biswal na nakisalanta sa piging.

Hindi rin buo ang okasyon kung wala ang dedikasyon ni Bise, ang aking bagong katuwang, sa aking mga ginagawa. Hayaan mo’t babawi rin ako sa ‘yo pagkatapos ng mga nakakapagod na mga lakaran at pagsuong sa baha at ulan sa Kamaynilaan.

* retrato: kuha ni Ruby Bernardo