Monday, March 21, 2011

World Poetry Day

Poetry has a thousand faces and always springs from the depths of the culture of peoples.
Irina Bokova, Director-General of UNESCO

Sunday, February 20, 2011

Unang Pampanitikang Edisyon ng Kritika Kultura

* litrato mula sa blog ni blissery, isa sa mga may ambag na akda (blissery.livejournal.com)

Matagal tagal na rin akong hindi nakakapagpalagay ng tala rito sa Kamayalayan bunga na rin ng kaabalahan sa mga gawaing kailangang mauna muna (sa muling pag-iisip, hindi kaya katamaran lamang?).

Gayunpaman, mainam na magsimula sa isang magandang balita. Ngayong Pebrero ay ilalabas na ang unang pampanitikang edisyon ng Kritika Kultura, isang lathalain mula sa Ateneo. Ang nasabing edisyon ay pinamatnugutan nina Mark Anthony Cayana, Adam David, at Conchitina Cruz. Masaya ako kahit papano at nakasama ang isa sa mga tulang ipinasa ko.

Isang soft launch ang ginanap sa Natividad Galang Fajardo Conference Room, Dela Costa Hall sa Ateneo noong Pebrero a-11, kung saan ilan sa mga akdang kasama sa antolohiya ang binasa. Isa sa naging bahagi ng programa ay ang pagtalakay sa kung ano ang konsepto ng bagong sulatin o pagsusulat sa Pilipinas Bagamat karamihan sa mga akda ay nasa wikang Ingles, mahalaga ring makita ang mga pumapaloob na mga tema o ideya sa mga akda, na posibleng maging salamin sa kung anong tingin ng mga manunulat sa kasalukuyang kapaligirang kanilang ginagalawan.

Ito ang websyat ng Kritika Kultura: 150.ateneo.edu/kritikakultura
Dito naman makukuha ang record ng talakayan noong soft launch: mediafire.com/?n1q3fax44c63o


Thursday, December 02, 2010

Paglulunsad: Monster Paper Issue 2

Narito ang anunsyo ng isang aktibidad bukas ng gabi. Kasama rito ang paglulunsad ng ikalawang isyu ng Monster Paper Press. Nakakatuwang mapasama ang isa sa mga tulang aking ipinasa para sa publikasyong ito.

poster created by Adam David

Paper Monster Press launches its 2nd issue at the Better Living Through Xeroxography Exhibit on December 3, 2010 at Cubao/ Kalantiaw/ Ilyongs.

ENGLISH POEMS

1) We sing the wind’s caress on our skin - Adam David
2) Finger - Ayn Frances dela Cruz
3) Madonna - Azlison Bawang
4) Afraid of Space - Ruth Mostrales
5) Service - Francis Emralino
6) New Age Nomad - Jeanilyn Kwan

FILIPINO POEMS

1) Haraam - Jack Alvarez
2) Kalatog-tyan - Michael Alegre
3) Unexposed Film - Daniw Santiago
4) Ang Nocturne ni Vincent van Gogh - J. Luna
5) Dayo - Ronald Verzo
6) Pating - Enrique Villasis

ART

1) James Javier
2) Paul Panganiban
3) Aldo Bongala
4) Yasunari Ramon Taguchi
5) Angely Chi

*Issue 2 edited by Enrique Villasis (Filipino), Jeanilyn Kwan (English), Ros Veluz (zine design and lay-out).

Join us in the very small small press expo. December 3, 2010, Cubao/ Kalantiaw/ Ilyongs. First 100 bottles of beer for free!

Tuesday, November 23, 2010

Sa Gunita (para sa pag-alaala sa mga naging biktima ng Maguindanao Masaker)


Hindi kayang tuyuin ng isang taon
Ang mga dugong sa lupa’y tumapon,
Nang sa isang iglap, noong ika-23 ng Nobyembre
Inihatid ng mga bala sa kabilang buhay
Ang hininga at mga pangarap
ng mga biktima ng Maguindanao
Masaker.

Hindi kayang ikubli ng labindalawang buwan
ang alingawngaw ng pighati at pangungulila
nitong mga kaanak, mga mahal sa buhay
ng mga naging bikitma ng Maguindanao
Masaker.

Pagkat sa gunita ng baya'y
umukit ang mapagmalaking
paglalantad ng mga naghahari-harian
sa Maguindanao -
sa gatilyo at pulbura
ginawang laruan
ang mga buhay na
'di nila nilikha at
'di nila pag-aari.
Sila'y mga diyos-diyosang may
kapit (noon) sa tanyag na Palacio.

Mulat pa rin ngayon
ang diwang tinulungan nilang mag-apoy,
nang tinangka nilang ikubli ang mga katawang nilisan ng buhay
ng backhoe at lupa.

Markado na rin ang pagbalik ng mga salarin sa lupa, ang kanilang
huling hantungan
Samo lamang sa piringang Hustisya -
gawing kasingtindi (kung 'di man higit pa) ang hatol sa
mga nag-astang berdugo ng Maguindanao.

At gawing buháy ang parusa sa kanila
at maging monumento ng pag-alaala
na sa likod ng maskara ng pamamahala
ay may mga patuloy pa ring nagkukubli,
gumagawa ng kanilang munting mga kaharian.

Marami pa nga ang dapat hugasan
sa ating putikang pulitika
Ngunit sa pagtiwala at pagpursige sa Hustiya,
may mga paunang hakbang tayong matatahak;

Sa gunita
mananatili ang alaala ng trahedya;
Sa puso
mananatili ang pag-asa para sa hustisya.

* isang munting tula para sa pag-alaala sa mga naging biktima ng Maguindanao Masaker

© Francis Murillo Emralino
Nobyembre 23, 2010 | Laguna

Sunday, October 10, 2010

Manila International Literary Festival


Sa darating na Nobyembre 18-20, 2010 ay idaraos ang Manila International Literary Festival na gaganapin sa Intercontinental Manila, Lunsod ng Makati. Para sa listahan ng mga aktibidad at iba pa, pumunta lamang sa sayt ng National Boook Development Board sa nbdb.gov.ph.

Sunday, September 05, 2010

Pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino

Isang pagtanggi ang aking gagawin kung hindi ko ipapahayag ang pagkagulat ko sa pagpanaw ni Sir Alexander Martin Remollino. Parang noong isang araw lang nang pinadalhan ako ng mensahe ni Rustom ukol sa gabi ng tula at musika para sa kanya. Noon ding gabing ‘yun siya nawala.

Una at huli ko siyang nakita sa paglulunsad ng antolohiyang ’Ipuipo sa Piging’ mga ilang linggo lang ang nakaraan. Nagtaka pa nga ako dahil namukhaan ko siya pero sobrang napayatan ako sa kanya, bagay na inilahad ko rin sa aking kasama. Ang pagdududa pa ngang iyon ang humadlang para makakuha man lang ng kanyang pirma sa libro. ’Di na rin malinaw sa akin kung nakabigkas siya sa una o hindi noong gabing ’yun; dala na rin ng ilang araw na puyat at pagod. Sana nagawa ko man lang na magpakilala kahit papano. Noon kasing gabing iyon nagkaroon ng mgas mukha ang mga pangalang nababasa ko lamang sa mga lathalain ng Kilometer 64. May ilang bagay akong di nagawang gawin noong araw na ’yun, at isa na nga ang magpakilala sa kanya.

Gayunpaman, hindi ito isang pag-alaala lamang sa simpleng hindi nakuhang autograph o naunsyaming pakilanlanan sana. Higit sa mga ito ang pagbubukas ng kamalayang maraming taong dumadaan sa mundong ito at nasasa-tao na mismo kung bibigyang katuturan nila ito o hindi. Si Sir Martin, idinaan sa panulat, sa tinta, sa papel, sa keyboard. Hindi man nagkakilala, tamang maging tuntungan ko ang kanyang mga naiwang akda (at alaala para sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan) at para na rin sa mga pausbong at uusbong pa lamang na mga manunulat-makatang tulad din niya.

Hindi naman sayang ang buhay na iyon. Wala sa haba o ikli ang buhay. Nasa kung papano natin ito ginamit at itinuon sa makabuluhang bagay.

BIGKAS
(munting alay sa pag-alaala kay Sir Alexander Martin Remollino)

Buháy pa ang ningning
Sa matang lama’y giting
Nang mabuksan, magisnan
Sa wakas, ang bidyo ng Ipuipo sa Piging.

Kalma, buo ang mga bigkas
Ng mga taludtod na sana’y lumabas
Nang personal, harapan
Nang gabing ika’y
Una’t huling nakita.

Nang sa huli’y kinalabit at tinipa
Ang kwerdas ng buhay at hininga,
Niningas ang mga akda —
Magbibigay pataba
Sa bagong linya
Ng mga buháy na tinta at tula.

[Setiembre a-cuatro | Alas nueve treinta y ocho ng gabi]

Friday, August 27, 2010

Hangover sa Ipuipo sa Piging


Bagaman hindi ko nakuhang mahawakan ang mikropono sa gabi ng paglulunsad ng antolohiyang ‘Ipuipo sa Piging’ ay baon ko naman pag-uwi, kasama ang ulan at baha ng Anonas, ang bagong kamalayan sa pagbibigay buhay sa tula.

Isang matalim na panggising at paalaala ang sanaysay na nasa huling bahagi ng aklat (“Patay na Ang Awtor” ni Reuel Molina Aguila, pp. 313-327), na tumalakay sa buhay at konsepto ng isang pagiging manunulat. Tama ito para kahit isang saglit sa isang araw ay magkaroon ng repleksyon ang isang indibidwal sa tinatahak nyang landas ng pagiging manunulat at ang kabuluhan nito, hindi lamang sa para sa kanya kundi sa lipunang kanyang ginagalawan.

Hayaan n’yo na lamang akong ibahagi ang isang pyesang ginawa ko na napasama sa IsP. Higit sa pagkakalimbag ng mga ito, alam ko sa sarili kong may bangong tunguhin na, layon kumabaga, ang paggawa ko ng mga tula.

SONORIO
Francis Murillo Emralino

Hinabol ko ‘tong mga panggabing ilaw at
Ginuhit ko ang mga disenyong sa isip ko’y umalingawngaw;
Ang kaguluhang galaw, tulong – isang kapahingahan
Kanilang kawalang halaga – isang kapanatagan.

Sa ngayon mga tenga ko’y sarado
Sa mga polusyong ingay sa labas ng aming kwarto;
Hagikgikan at hangi’y dala ang kasayahan
Kahit may ganito, sa kalooba’y isang labanan.

Oo, may bukod-tanging pagkatalo
Sa gitna ng mga pagsasaya sa Pebrero;
Isang siglong galak, isang araw ng saya
Walang pakialamanan sa lupang kinatitirikan
Kung saan buhay ay nakikiraan, nakikibaka
Sa mga nalulumang pag-iisip, konseptong ‘di mahagilap.

Maging malaya nawa sa mga pangakuan!
Sa mga gawain, sa salita maging kasing laya,
Nitong pangalan kong kalayaan ang dinidikta.

Halika, halika, sapuhin mo itong buo
Pikpik na mga bagay, mga kaisipan.
Ngayong gabi ng Pebrero Lalaya ka, ‘di na magtatago.

Pebrero 2008

© Francis Emralino, ‘Sintesismo’ sa Ipuipo sa Piging, 2010, pp.92-93.

* Retrato: kuha ni Pia Montalban

Wednesday, August 25, 2010

Karanasan sa Nanalasang Ipu-Ipo sa Piging (Ang Book Launch)


Ibang karanasan ang aking dala-dala sa pagtatapos ng paglulunsad ng librong ‘Ipuipo sa Piging’. Kasama ang iba pang mga nag-ambag ng tula sa antolohiya, ang okasyon ay naging daan para lumawak rin ang aking pagkakakilala sa mga makatang dumating at nagpasimuno nito. Nakakatutuwa ring makita nang personal, makausap at makilala ang mga makata at manunulat na sa babasahin o internet ko lang dati nakikita ang mga pangalan at mga akda.

Hindi roon ang unang pagkakataon na makasumpong ako ng poetry reading nguni’t iba ang pakiramdam na makita na ibinubuhos ng makata ang emosyon at laman ng tula sa pagbigkas nila sa kanilang mga gawa. Hindi ko nagawang pumunta sa una at bumigkas; malamang sa mga susunod na lamang na pagkakataon.

Ikinagagalak kong makilala nang personal sina Rustom Casia, Dennis Espada (na isa rinng taga-Laguna), at Kislap Alitaptap na mga kasamahan sa KM 64; si Ed Nelson Labao; si Gelacio Guillermo na minsan din palang nagturo sa U.P. Los Baños.

Karamihan sa mga tulang binigkas ay nakakatuwa at nakapagpasidhi ng kamalayan at damdamin. Nguni’t sa kabila ng kalaliman ng gabi (at kinailangan pa naming bumiyahe pabalik ng probinsya), kalasingan ng mga tao sa paligid, at literal na pagbuhos ng tubig-ulan mula sa bubong ng 70s Bistro ay pumukaw pa rin ng aking atensyon ang mga tulang binigkas ni Rogelio ‘Ka Roger’ Ordoñez, kung saan ang huli ay pumatungkol sa paghihiwalay. Limot ko na ang ilang laman ng tula kaya’t balak kong konsultahin si Ka Roger para sa kopya ng mga ito.

Sa katapusan, nagpapasalamat ako kay kuya Abet Umil sa pagsama ng mga ambag ko sa antolohiya at kay Sir Fermin Salvador sa inisyatibong ito. Gayundin kay Randy Valiente na isang artistang biswal na nakisalanta sa piging.

Hindi rin buo ang okasyon kung wala ang dedikasyon ni Bise, ang aking bagong katuwang, sa aking mga ginagawa. Hayaan mo’t babawi rin ako sa ‘yo pagkatapos ng mga nakakapagod na mga lakaran at pagsuong sa baha at ulan sa Kamaynilaan.

* retrato: kuha ni Ruby Bernardo

Tuesday, July 27, 2010

Bunsod Aklat: Ipuipo sa Piging


Heto na nga at darating na ang ‘Ipuipo sa Piging’, isang kalipunan ng mga tula ng “dalawa hanggang tatlong henerasyon ng mga makata sa bansa” (Fermin Salvador).

Personal akong natutuwa na makasama ang mga masasabi kong mga bigatin at mga may pangalan nang mga makata rito sa Pilipinas. Sa kadahilanang hindi naman ito isang paligsahan ay masaya na rin ako sa mga isinumite kong ambag. Pero kung napagtanto ko kaagad ang lawak at layo ng tunguhin ng antolohiyang ito ay mas inayos ko pa sana ang mga inambag ko. Gayunpaman, ang makasama rito ay isang karangalan na.

Nagsimula lang ang pagtangka kong magsulat ng mga tula mga labing-isang taon na ang nakakalipas; mga tulang kinailangan lang dati para sa mga aralin sa klase. Dumating ang panahon na ginamit ko ang tula para ‘iguhit’ ang ilang mga damdamin at mga pangyayaring hindi ko nakuhang ilahad, o bigyang pag-alala, nang deretsahan.

At nitong kamakailan ko lang nasumpungan ang isang grupo ng mga manunulat at makata na may patuloy na apoy sa kani-kanilang mga puso at panulat. Dati nang may alam, nguni’t noon ko lamang buong naisaloob na ang tula ay isang mabigat na sandata upang ilahad, hindi lamang ang mga pampersonal na mga kuru-kuro at/o damdamin, nguni’t para rin gamiting gabay sa atin para sa mas malinaw na pagtingin sa mga pangyayaring panlipunan sa paligid.

Sa aking tingin ay mas nabibigyang kahulugan ng tunguhing ito ang pagsulat ng tula. Alam kong malayu-layo pa ang lalakbayin ko upang malinang ang pagsulat ng tula – sa aspetong teknikal nito at sa matinong pagpili ng mga temang pagtutuunan ng pansin. Alam kong sa paglabas nitong ‘Ipuipo sa Piging’ o IsP ay nabigyan na ako ng hudyat upang hindi lamang itali ang sarili sa mga kumbensyon ng kasalukuyang panahon. Naniniwala akong makapangyarihan ang daloy ng diwa na nailapat sa tula. Ngayon ay oras nang ipahatid ang kamalayang ito sa mga mambabasa, at sa lahat ng mga Pilipino.

Sa ilang munting ambag ko ay iniaalay ko ang kinalabasang ito sa isang bata – si Dace – na personal kong hiling na maagang mamulat sa mga panlipunang kaganayan at sitwasyon at maagang magkaroon at makabuo ng kanyang sariling tugon, sa kung anumang porma o paraan, para sa mga ito. Handa akong tulungan siya bilang isang gabay.

Ang ‘Ipuipo sa Piging’ ay ilalabas na sa Agosto 23, 2010, sa 70s Bistro sa Project 2, Kalye Anonas, Quezon City, sa ganap na alas-sais hanggang alas-nuebe ng gabi. Maaaring kontakin ang numerong ito para sa mga tanong kaugnay sa paglulunsad na ito sa telepono bilang 632-434-3597. Ipapalabas din ang bidyula o videoetry at music video ng ilan sa mga kontribyutor. Sana ay makadalo rin ako.

Sunday, June 20, 2010

Heto na ang ‘Ipuipo sa Piging’

Ito na nga at nasabi nang nasa huling mga bahagi na ng gawain ang kalipunan ng mga tula. Nasabi na rin noong mga naunang buwan na sa Hunyo ang labas nito. Nguni’t tingnan natin ang pinal na mga anunsyo. Malapit sa akin ang kwento ng paglipon sa mga tula na kasama sa ‘Ipu-ipo sa Piging’ dahil nagtangka rin akong magpasa ng ilang ambag na tula. Pero hindi malinaw kung napasama ang kahit isa sa kanila. Gayunpaman ay masaya ako na sa haba ng tinakbong kwento ng pagbuo nito (nakikita ang iba’t-ibang mga paksa at salaysay dito kung hahanapin sa internet) ay maisasakatuparan na rin ito. Heto na ang Ipuipo sa Piging!

* larawan ay kuha sa blog ni Randy Valeinte sa Usapang Komiks