Tuesday, May 25, 2010

Mesias de-Pisi: Tulang Ambag sa Duguang Lupa


Kung hindi man pumasa sa mga panuntunang nagbibigay porma (o halaga) sa (‘tradisyunal’ o ‘akademikong’) tula, marapat na tingnan na lamang itong ambag kong tula sa ‘Duguang Lupa’ Chapbook ng Kilometer 64, bilang isang sinserong pagbibigay tuon sa lagim na ibinunga ng tinaguriang Maguindanao Massacre op Ampatuan Massacre.

MESIAS DE-PISI
Francis Murillo Emralino (Ang M.V.)

(salin ng naunang tulang pinamagatang “Marionette Messiahs” ukol sa masaker na nangyari sa Maguindanao, Diciembre a-trece, dos mil nueve)

Heto! Parating na ang parada ng mga dragon
Paseryo-seryoso, sa harap ng kamera akala mo totoo;
Pabala-balabal, mala-diplomatikong mga tono,
Pero walang makamundong taguan ang mangyayari
Sa kasaysayan (sa krimen) na inyong sinulat (na inyong ipininta).

Para lang manatili ang palabas doon sa timog
Ng kapangyarihan gamit ang armadong mananayaw –––
Politico-mananayaw;
Mga dragon sa timog sa daan ay nagpahanga
Ginamit ang isang convoy na may sariling pangitain, sariling nasa;
Pagpalag ay sinuspinde ng dulo ng baril, nanakmal gamit kanilang mga pangil
Upang ang laban gawing malaya sa katunggali,
Walang totoong botong magpapakagiting.

Sa isang araw lamang –––
Mga bala, ganid, pita ng laman ang umangkin:
Sa hininga ng limampu at higit! palamuti sa dagliang libingan
Sa maburol na lugar doon itinago, disenyo ng mga sundalo ng Hades
Mga binayaran para isantabi ang takot, magbulag-bulagan
Sa pagkukubli, pagkakalat ng mga tulalang mga mukha;
Ang landas nitong sana’y mga umaasa sa magandang eleksyon,
Lunod na sa manuyo-nuyong dugo at nagamit na basyo;
Ngunit –
Kelan pa nagawang patagalin ng mga dragon,
Ang kathang-isip ng kanilang galing?

Ngayon,
Parada nitong mga mananakmal ay papunta nang altar,
Pinaganda ng mga binasbasang mga rehas:
Ng bakal; malamig; walang para sa diyos
Inilawan, gawa sa mga bloke ng semento – ang kulungan,
Naghihintay ng litis: gaano katagal? walang nakakaalam;
‘Pagkat kanila ang (katimugang) kaharian, ang Masaker ginawang laro
At ang mga kaibigan sa Partido baka ibaluktot, ang hustiyang dapat idulot.

Balita’y dapat ipakalat, nitong (buhol-buhol) na mga koneksyon
Ng pulitika, kapangyarihan at (pagmanipula) sa eleksyon;
Sa kanilang mumunting (at tila sariling) mundo kumukubli
Mga nabusalang kwento ng mga krimen ng mga ganid,
Pribadong hukbo para sa proteksyon at pagpuksa sa kaaway?
Mala-palasyong mga bahay para sa tao, pangalawa sa pinakamahirap sa pulo?
Ang kanilang paghahari-harian ay guguho
Sa harap ng kasinungalingan at kanilang mga krimen-dibuho!
Dahil dito, (katimugang) kagahamanan ay nagpapatuloy –––
Ang Masaker ngayon ang siya nang huling abuloy.

Dahil paano ipagpapatuloy nitong mga napatay ang pagpanalo sa hustisya?
Kung mula sa kanilang himlayang ginawa ng backhoe
Tanging tangis ang tumatagas sa hangin?
Tayo!
Ang humihinga, ang magiging bantay ng mga testimonya,
Dahil itong mga kaaway may kakayahang nakawin ito,
At wasakin, ibaluktot ang istorya.
Ang kathang-isip, ang dinastiya, ang mekanismo ng Clan,
Ngayo’y may lamat na dahil sa kanilang malakihang pagpatay.
Ito ang Kapalaran, ika nga
Pero sa kalahatan, ang pagsasara ng palabas –––
Sa simula pa’y isang huwad, laro ng mga de-pising mga karakter.

Sa mga naiwan nabibilang ang huling palakpak
(Kung hindi man ang hindi na pag-ulit sa palabas, nitong mga armadong mga mandaraya.)

Itong mga laruang papet sa pulitika’y
Lahat mula sa laro ng mga pising kumakampay,
Pareho, para sa Palasyo
At sa mga taga mala-palasyong tahanan sa timog
Ang mga pising ito’y kanya-kanya nang pagbubuhol-buhol...
Dating gamit upang ipabatid
Ang kanilang pagkakaroon ng basbas – marka umano ng mga tagapagligtas;
Ngayon huli na sila sa bitag-hustiya,
Itong mga dragon, mga insekto lang pala.

Ang paggiba ay nagpapatuloy
Dito sa mga de-pising mga diyos-diyosan,
Putul-putulin at sunugin, kahit hindi na ilibing;
Hayag sa mundo:
Ipabatid sa impyerno na isinusuka ng lupa ang laman ng mga huwad na diyos;
Ang mga papet hindi makakapang-ibabaw
Sa mamayang binigyang kalayaan sa ilalim ng araw.

* Duguang Lupa Chapbook, Kilometer 64 (Km 64) Poetry Collective, 2010.

Duguang Lupa Chapbook

Isa muling proyekto mula sa Kilometer 64 (KM 64) Poetry Collective. Isang chapbook na naglalaman ng mga likhang pampanitikan patungkol sa isang pangyayaring tumatak na sa atin – ang tinaguriang Maguindanao Massacre o Ampatuan Massacre. Tugma lamang ang pamagat nitong kalipunan ng mga tula at iba pang likha upang bigyang larawan ang isyung ito.

Isinaayos ang chapbook ni Jordan Santos, ito ay binubuo ng mga ambag nina: Arbeen Acuna, John Marc Acut, Maryjane Alejo, Kislap Alitaptap, Louise Vincent Amante, Angelo Ancheta, Mark Angeles, Maria Baleriz, Noel Sales Barcelona, Trevor Batten, Diana Cabote, Jef Carnay, Rustum Casia, Maureen Gaddi dela Cruz, Kiri Lluch Dalena, Francis Emralino, Dennis Espada, Danny Fabella, Rom Factolerin, Richard Gappi, Jonathan Vergara Geronimo, John Carlo Gloria, Lolito Go, Roge Gonzales, Severino Hermoso, Sinta Isaac, Pia Montalban, Francisco Arias Montesena, Patrick Orquia, Ayesha Osop, Wilmor Pacay III, Jujj Padin, Piping Walangkamay, M.J.Rafal, Alexander Martin Remollino, Aris Remollino, Ayesha Sarapuddin, Rey Tamayo Jr., Amos Tarana, Abet Umil, at Cindy Velasquez.

Makakakuha ng libreng kopya ng chapbook sa mga sumusunod na sayt:
mediafire.com/?bzmznzilmuy
rapidshare.com/files/380749105/duguang_lupa.pdf

Saturday, May 08, 2010

Tula

Ito’y kuha mula sa isang proyekto namin noong nasa mataas na paaralan pa ako, mga sampung taon na ang nakakaraan. Itinago ko talaga ang mga ito, kasama ang ilan sa mga simpleng tulang hiningi ng ming guro sa Filipino bilang proyekto sa pagdiriwang ng Araw ng Pagkakatatag ng aming paaralan.

Malamang ay nakuha lamang ito ng aming grupo sa isang aklat, subali’t hindi ko na nakuhang isulat pa ang pinagmulang aklat nito. Nais ko lamang ibahagi ito rito sa mga pahina ng ‘Kamayalan’.

“Ang tula ay isang likha. Ang makatang sumulat ay manlilikha. Ang sinumang bibigkas ng kathang-sining na ito ay makata sapagka’t lumilikha rin siya sa pamamagitan ng wastong pagbigkas ng mga salita, wastong pagsasama-sama ng masining na kumpas ng kamay, kiling ng ulo, galaw ng katawan at paggamit ng himig ng tinig na katugma ng damdamin.”

Wednesday, May 05, 2010

Pagbubukas ng ‘Kamalayan’


Panimula


Inaamin ko na hindi ganoon kalawak ang pagkabihasa ko sa wikang Tagalog, o sa wikang Pilipino sa pangkalahatan, dahil na rin siguro sa matagal na pagtutok ko sa mga literaturang nakalimbag sa wikang banyaga, at dahil din malamang sa aking kurso sa unibersidad na sa maraming pagkakataon ay hinihingi ang paggamit ng wikang Ingles.

Nguni’t ako’y pinapapayapa ng isiping hindi naman ganoon ka-lala ang kaso ko. Marahil sa pangamba ngang tuluyang malagot ang anumang koneskyon meron ako sa wikang ito ay minarapat kong tumayo sa hamon ng aking dating propesor sa unibersided, si Ginoong Wensley Reyes, na ipalaganap ito sa aming mga mumunting paraan – sa paggamit nito unang-una. Nawa’y hindi ito tingan bilang isang pambatang pagpayag lamang sa kagustuhan ng isang nakakatanda. Bagkus sana maging pangunahing tuntungan ito sa pag-aangat ng dangal ng wikang Pilipino.

Ang Lalamanin ng ‘Kamalayan’

Sa dahilang malayu-layo ang linya ng kursong minarapat kong tapusin sa unibersidad sa paggamit ng wikang Pilipino, hayaan n’yo akong gamiting hayagan ng aking mga mumunting mga tingin, aktibidad, atbp. ang mga pahina birtwal nitong ‘Kamalayan’. Partikular kong tatalakayin, ayon sa kaya ng aking abilidad at kaunting nalalaman, ang literatura ng Pilipinas sa mata ng isang naging mag-aaral ng agham, at ilang mga aspetong sa tingin ko ay mahihirapan akong ihiwalay dito. Ito ay ang musika at sining (partikular ang sining-biswal). Minarapat lang na sabihin ko ngayon pa lang na mas magiging makiling ito sa mga bagay tungkol sa literatura, musika, at sining ng mga Pilipino, bago man o sinauna.

Muli, wala akong pinanghahawakang akademikong titulo para maging otoridad itong mga pahina rito. Sumagot ako sa hamon ng isang guro, at akin na lamang titingnan kung saan ito patutungo. Pinakamahalaga sa ngayon, sa aking tingin, na naging maluwag sa akin na buksan ang aking Kamalayan tungkol sa ilang aspeto ng aking pamayanang ginagalawan.